Wednesday, August 8, 2007

Ngumingiti, Kinikilig at Umaasa

Eto na naman ako… ngumingiti, kinikilig, umaasa sa bawat pagtunog ng celphone ko na mangilang linggo ding nanahimik… Kung tutuusin, dapat ay sanay na ako. Mahigit isang taon na ding ganito ang set-up natin… Magkasama tayo ngayon, pero bukas makalawa, wala ka na ulit…

Ilang linggo ka ding hindi magpaparamdam. ‘Yun ang mga linggong halos isumpa kita sa galit, mga linggong gusto kitang sumbatan kung paano mo nagagawang maging masaya habang impiyerno ang buhay ko… Mga linggong nililimot mo ang halos anim na taon nating pagsasama… mga linggong kasama mo siya…

Lagi akong tinatanong ng mga kaibigan ko… ‘Bakit niya nagagawa sa’yo ‘yan? Bakit ka pumapayag? Bakit siya pa? Bakit ang tanga mo at hindi ka pa bumibitiw?... Ngunit puro pagpatak ng luha at kibit lang ng balikat ang kaya kong isagot… Hindi ko din kasi alam. Napakarami din kasing tanong sa isip ko… Napakaraming ‘Bakit?’

Bakit nga ba sa kabila ng lahat, hindi ka maging ganap na masaya? Bakit nga ba kailangang paghanapan mo ako ng mga bagay na alam mong hindi mo naman makikita sa akin? Bakit nga ba hindi ka makuntento sa kung anong meron ako? Bakit nga ba lumilingon ka pa sa iba? Bakit nga ba..?

Sa mga linggong hindi ka nagpaparamdam, naglalabasan lahat ng mga ‘bakit?’ sa isip ko… Sa katunayan, pina-practice kong lahat ‘yan kung paano ko itatanong sa’yo sa paraang tama ang timpla: Mahinahong boses, tamang pagpili ng mga salita, tamang galaw ng mukha at kumpas ng kamay. Dapat tama din ang timing pati ang ambiance. Paulit-ulit ko ‘yang pina-practice. Practice makes perfect sabi nga nila.

Dapat kasi lahat tama… Para hindi ka magalit… para hindi ka masaktan… para malaman mo din na kahit nakasanayan na natin ang ganitong set-up, hindi ko pa din makakasanayan ang sakit… para maintindihan mo ako…

Pero siguro nga talagang engot ako pagdating sa aspetong ito ng buhay… Dahil sa tuwing bumabalik ka na galing sa matagal mong pananahimik, lahat ng prinaktis ko, ayun, nawawala. Isang ‘hi’ mo lang, lahat ng tanong, nakakalimutan. Lahat ng sama ng loob, naglalaho… Ang natitira lang, matatamis na ngiti, kilig at pag-asa…

Tulad ngayon, hawak kong muli ang celphone ko na mangilang linggo ding nanahimik… eto na naman ako… ngumingiti… kinikilig… umaasa…

4 comments:

Anonymous said...

nice...:)

at least GMA polished your tagalog! ;p hehe..

but.. what does this blogpost mean.. hmm?! hmm?! anung ibig sabihin?.. ;p

-essie

Anonymous said...

"para malaman mo din na kahit nakasanayan na natin ang ganitong set-up, hindi ko makakasanayan ang sakit.." -- beautiful

- lina

Sage said...
This comment has been removed by a blog administrator.
Sage said...
This comment has been removed by a blog administrator.