Hindi ko akalaing isa palang nakakawindang na experience ang pagkuha ng driver’s license. Siyempre aaaminin ko nang nagpatulong ako sa fixer dahil alam ko namang wala din akong isasagot sa exam. Ewan ba, noon yatang nagpaulan ng “road sense” eh kasalukuyan akong humihilik sa kalaliman ng pagtulog kaya’t hindi ako nawisikan man lang.
Anyway, pagkarating pa lang namin ni mac0ie sa LTO eh naloka na agad ako. Ako lang kasi ang girlalu na magte-take ng exam ng araw na iyon. Mabuti na lang at mabilis lang ang first half ng proseso, medical lang.
“Ok Ms. Villareal, please cover your right eye then read the 8th line,” sabi sa’kin ng lalaki sa eye-exam room. mwihihihi! Nakikini-kinita ko pa din ang sarili ko na sobrang lapad ang pagkakangiti nung mga oras na ‘yon. Pano ba namang hindi?Eh kahit pa papikitin niya ako, kabisadong kabisado ko na ang “famous 8th line” na iyon! “d-e-f-p-o-t-e-c.” kunyaring pagbasa ko sa chart. Sunod ay ang kaliwang mata ko naman ang pinatakpan niya. At dahil kabisado ko nga, 20/20 daw ang grado ko. Hindi niya na din chineck ang Blood Pressure ko kasi mukha naman daw akong healthy. Pagkatapos ay pinag-drug test na nila ako.
“Naiihi ka na ba?” walang kaabog-abog na tanong sa’kin ng babaeng nasa laboratory. And mind you, tinanong niya ako sa harap ng mga manong na naghihintay din ng turn nila sa drug-test. “Opo,” nahihiyang sagot ko sa kanya. “Sigurado ka?” mataray na tanong niya. Um-oo ulit ako. “Talaga ha?” sabi niya ulit. Oo na naman ako. “Sigurado ka talaga?” tanong na naman niya. Siyempre tiningnan ko na siya ng naka-kunot ang noo. Nakukulitan na kasi ako sa kanya at nakikita ko ding nakikinig ang mga manong sa usapan namin kaya’t nataasan ko na siya ng boses. “Nawiwiwi na ako! Okay?!” sabi ko sa kanya kaya’t nilabas niya na ang isang plastic vial. “O sige, kailangang punuin mo ‘to ha!” sagot niya sa’kin in-a-not-so-friendly tone. Namilog ang mata ko nang makita ko ang vial. May kalakihan nga naman pala siya, parang mahirap punuin.. @__@
Pero dahil nakita kong tila ba nanghahamon ang tingin sakin ng babaitang ito, taas noo akong naglakad palabas para maghanap ng malinis na restroom. Hindi pa ako nakakalayo nang tawagin niya ako ulit. “Miss, san ka pupunta? Dito ang C.R.” sabi niya habang itinuturo ang de-kahoy na cubicle. Doon lang daw pwede mag-C.R. ang magda-drug test. Lalo akong naloka nang makapasok ako sa loob, walang flush. At kung claustrophobic ka, malamang nahimatay ka na sa liit ng cubicle na ‘yun. Anyway, dahil wala na din akong choice, ginawa ko na ang kailangan kong gawin. Buti na lang na-pressure ako sa mapanghamong tingin ng babaitang yun kaya’t halos napuno ko naman ang vial.. hihi.. xD
Nang maisubmit ko na sa kanya ang wiwi slash specimen ay magalang na sinabihan niya akong maupo muna at maghintay ng result. Siyempre taka ako bakit bigla siyang bumait sa’kin. Imposible namang natuwa siya dahil lang halos napuno ko ang vial. Pa-upo na sana ako nang malaman ko ang dahilan kung bakit naging friendly siya bigla. “Sa GMA ka nagtatrabaho?” tanong niya habang itinuturo ang files ko. “pahingi naman ng passes sa Eat Bulaga oh!” toink! Pero dahil asar ako sa kanya at hindi ko din naman siya mapapagbigyan, nginitian ko na lang, kunyari di ko siya narinig.
So naupo muna ako. Doon ako tumabi sa manong na mukha namang kagalang-galang. “SINGLE KA BA?” biglang tanong sa’kin ng kagalang-galang na manong na ito. Aba’y may kabastusan pala ang isang
‘to! Pinapa-init lalo ang ulo ko! Irapan ko nga ng bonggang bongga! Maya maya’y nagulat ako nang tumawa siya at nag-sorry. Na-realize niya kasing nabastusan ako sa tanong niya. Ang ibig lang pala talaga niyang sabihin eh kung SINGLE daw ba ang ida-drive ko? meaning motor daw ba o four wheels? Siyempre pinamulahan din ako ng mukha. Sa hiya ko, nag-sorry din ako sa kanya dahil inirapan ko siya. Masyado kasi akong assuming! Nyahahaha! xD
Hindi ko na din masyadong matandaan ang ibang proseso pagkatapos nito kaya’t tatalon na ako sa written exam. Kahit pa may kodigo na ako, sinabi ko sa sarili kong susubukan kong sagutan ang exam bago tumingin sa kodigo. Nang makita ko ang questionnaires, nawalan na ako agad ng pag-asa. Tagalog ang exam! Pipilitin ko pa din sanang sagutan kaso napanghinaan na ako ng loob ng mabasa ko ang unang question: Anong ibig sabihin kapag inilabas ng drayber ang kanyang kaliwang kamay at ini-unat ito? ANO DAW??!! Aminin, kahit Pinoy tayo, mas mahirap intindihin ang tagalog questions. ‘Yun lang at hindi ko na pinag-aksayahang pigain ang utak ko sa mga madugong katanungan na ‘yon. Shade na lang ako ng shade.
Nang tawagin na ang pangalan ko sa listahan ng mga nakapasa, nawala na ang init ng ulo ko. Sa wakas, makukuha ko na ang lisensiya ko at makakapag-lunch na kami ni mac0ie! Nang makumpleto nang tawagin lahat ng nasa listahan, nagulantang bigla ang mundo ko. Hindi pa daw kasi tapos. Pinabababa kami para sa (..drumroll please..) Actual Exam. MERONG ACTUAL EXAM??! Shucks, hindi ako prepared! Kung anu-ano na tuloy ang pumasok sa isip ko. Anong gagawin ko? Pano kung maibangga ko ang sasakyan? Or worse pano kung may mabangga ako? Pero dahil wala na din ako ulit choice, pumunta na din ako sa driving area. Sa bawat hakbang, kinukumbinsi ko ang sarili ko na kaya ko yan kahit pa puro manong ang mga nakapaligid sa’kin. Mabuti na lang at sinalubong ako agad ni mac0ie pagbaba ng hagdan para bigyan ako ng moral support.. xD
Nang nasa driving area na kami at nakita ko ang sasakyang ida-drive namin, agad kong sinabi kay mac0ie na “Ayoko! umuwi na tayo! Magba-backout na’ko!” Pano ba namang hindi? Eh owner-type jeep ang ipapa-testdrive sa amin! Lalo akong na-pressure nang mapansin kong nakatingin sa’kin ang mga manong na kasabay ko. Siguro naaawa sila na sa liit kong ito eh magda-drive ako ng ganon. @__@
Gusto ko na sana talagang umuwi, pero thankful ako that mac0ie knocked some sense into me. Kagaya din daw ng kotse ang pagda-drive nun. Atsaka nandun na nga naman ako sa huling test tapos magchi-chickenout pa ako? Oo nga naman, sayang ang pakikipagmatigasan ko sa babaitang nasa laboratory kung di ko pa ito itutuloy, isama na din ang paghahalf-day ni mac0ie sa office para lang samahan ako.
Nilapitan ko ang nagpapa-actual exam habang nagtatawag siya ng pangalan ng susunod na magda-drive. Dahil medyo kinakabahan pa din ako, nagpa-cute na lang ako sa kanya ala Puss in Boots sa Shrek at nakiusap na i-huli na lang ako sa exam. Baka kasi sakaling pag konti na ang taong nanonood eh mabawasan ang kaba ko. Mabuti na lang at pumayag siya. Imagine my horror habang nakikita ko ang ibang manong na namamatayan ng makina sa test drive. Yung isang bagets, nabangga pa ‘yung barbwire na nasa likuran dahil napasobra ang reverse niya. Naalala ko tuloy na nung huling beses akong nag-reverse eh nabangga ko ang gate ng kapitbahay namin.. xD Hay, good luck talaga sa’kin! Mabuti na lang nang natapos at nakaalis na lahat ng kasabayan ko, hindi na din ako pinag-exam. Naawa na siguro sila sakin dahil siguradong kulay abo na ako ng mga oras na iyon. xD
Inabutan na kami ng lunch break kaya’t alas-dos ko na nakuha ang lisensiya. Nang makita ko ang kawarlahan ng itsura ko doon, natawa na lang din ako. Dati kasi nagtataka pa ako kung bakit halos lahat ng makita kong litrato sa driver’s license eh mukhang tuliro, tulala at tralala. Ngayon, pagkatapos ng bonggang bonggang karanasan ko sa LTO, alam ko na din ang sagot. ^___^
At bilang pampalubag-loob man lang sa kawindang windang na itsura ko sa license, pinicturean ko na lang muli ang sarili ko nang nakapagpahinga na ako ng konti. Hihi.. xD
No comments:
Post a Comment