Maraming
maraming salamat, Inay. Yan ang pinaka-una kong gustong sabihin. Dahil sa
pagmamahal, pag-alaga at pag-intindi sa
aming lahat. Lahat kaming mga apo mo ay naalagaan mo. Sabi sa akin nila Mama at
Papa, iniwan nila ako sayo noong maliit pa ako. Sobrang sarap siguro talaga ng
pag-aasikaso mo, Inay, kaya nung kinukuha na nila ako, ayaw ko na daw sumama sa
kanila. Laging bukamibibig ko daw ay “Inay. Gusto ko kay Inay”.
Habang
lumalaki kaming magpi-pinsan, doon namin mas naintindihan kung gaano mo kami ka-mahal.
Dati naiinis kami pag ginigising mo kami ng ala-sais ng umaga, paano ay puyat
kami kaka-videoke . Pero mapapalitan agad yun ng saya kasi pagharap namin sa
mesa, nakahanda na ang masasarap na agahan na niluto mo para samin. Madalas pag
nagbabakasyon kami sa Quezon, inihahanda mo ang mga paborito namin. Tinadtad,
inihaw na tuna, ginataang isda, spaghetti, dinuguan, laing, litsong baboy. Kaya
naman nagtatabaan kami palagi tuwing uuwi na kami.
Laging
mas higit pa sa hinihiling ang ibinibigay mo. Minsan, simpleng hamburger lang
sa Jollibee ang lambing namin sayo. Pero sabi mo, baka magutom kami. Kaya
chicken, spaghetti, softdrinks at burger
ang inoorder mo.
Kahit
minsan hindi ka naging matipid sa pagmamahal sa amin. Kahit sa iyong mga huling
sandali, kami pa rin ang naiisip mo. Hindi ka nagpa-alaga. Natulog ka lang ng
mahimbing.
Maligaya
kang nakikitang masaya kaming lahat at hindi nahihirapan. Ganyan mo kami
ka-mahal.
Nang
mawala ka, Inay. Sabi ko sa sarili ko, ang laking bahagi namin ang nawala. Pero
ngayong naaalala ko kung gaano mo kami minahal at kung gaano mo ibinigay ang
sarili mo sa amin, naisip kong hindi ka naman talaga nawala... At hindi ka
kailanman mawawala... Kasi nasa amin kang lahat. Marami kang na-ituro at
naipamahagi sa amin na hindi namin makakalimutan.
Pangako,
Inay, isasapuso namin ang mga pangaral mo. Mamahalin namin ang isa’t isa kagaya
ng pagmamahal mo sa amin. Alam namin babantayan mo kami, Inay. Gagawin naming
lahat para sa tuwing sisilipin mo kami mula sa langit, mapapangiti ka..
sasaya.. at lalong magiging proud. :)
No comments:
Post a Comment