Thursday, June 6, 2013

Maraming Maraming Salamat, Inay.




Maraming maraming salamat, Inay. Yan ang pinaka-una kong gustong sabihin. Dahil sa pagmamahal,  pag-alaga at pag-intindi sa aming lahat. Lahat kaming mga apo mo ay naalagaan mo. Sabi sa akin nila Mama at Papa, iniwan nila ako sayo noong maliit pa ako. Sobrang sarap siguro talaga ng pag-aasikaso mo, Inay, kaya nung kinukuha na nila ako, ayaw ko na daw sumama sa kanila. Laging bukamibibig ko daw ay “Inay. Gusto ko kay Inay”.

Habang lumalaki kaming magpi-pinsan, doon namin mas naintindihan kung gaano mo kami ka-mahal. Dati naiinis kami pag ginigising mo kami ng ala-sais ng umaga, paano ay puyat kami kaka-videoke . Pero mapapalitan agad yun ng saya kasi pagharap namin sa mesa, nakahanda na ang masasarap na agahan na niluto mo para samin. Madalas pag nagbabakasyon kami sa Quezon, inihahanda mo ang mga paborito namin. Tinadtad, inihaw na tuna, ginataang isda, spaghetti, dinuguan, laing, litsong baboy. Kaya naman nagtatabaan kami palagi tuwing uuwi na kami.

Laging mas higit pa sa hinihiling ang ibinibigay mo. Minsan, simpleng hamburger lang sa Jollibee ang lambing namin sayo. Pero sabi mo, baka magutom kami. Kaya chicken, spaghetti, softdrinks  at burger ang inoorder mo.

Kahit minsan hindi ka naging matipid sa pagmamahal sa amin. Kahit sa iyong mga huling sandali, kami pa rin ang naiisip mo. Hindi ka nagpa-alaga. Natulog ka lang ng mahimbing.

Maligaya kang nakikitang masaya kaming lahat at hindi nahihirapan. Ganyan mo kami ka-mahal.

Nang mawala ka, Inay. Sabi ko sa sarili ko, ang laking bahagi namin ang nawala. Pero ngayong naaalala ko kung gaano mo kami minahal at kung gaano mo ibinigay ang sarili mo sa amin, naisip kong hindi ka naman talaga nawala... At hindi ka kailanman mawawala... Kasi nasa amin kang lahat. Marami kang na-ituro at naipamahagi sa amin na hindi namin makakalimutan.

Pangako, Inay, isasapuso namin ang mga pangaral mo. Mamahalin namin ang isa’t isa kagaya ng pagmamahal mo sa amin. Alam namin babantayan mo kami, Inay. Gagawin naming lahat para sa tuwing sisilipin mo kami mula sa langit, mapapangiti ka.. sasaya.. at lalong magiging proud. :)